Buwan ng Wika: “FILIPINO: WIKANG MAPAGBAGO”

Magandang hapon mga minamahal kong guro, estudyante at manonood. Noon ay kasali lang ako sa mga nagtatanghal tuwing Buwan ng Wika dito sa ating paaralan pero ngayon ako ay nasa inyong harapan na napili bilang magbigay mensahe para sa programang ito.

Wikang Filipino ang pambansang wika at isa sa mga opisyal na wika ng Pilipinas . Napakahalaga ng wikang Filipino dahil dito madali tayong nagkakaunawaan at nagbibigay ito ng magandang ugnayan hindi lang sa kapwa Pilipino pati ang mga banyaga na gumagamit nito.

Noong 1997, sa bisa ng Proklamasyon Bilang 1041, idiniklara ni Pangulong Fidel Ramos na ang selebrasyon ng Wikang Filipino ay magaganap na sa buong buwan ng Agosto. Kaya kada taon pinaghahandaan ito ng lahat ng paaralan, mapa-elementarya, sekondarya at pati kolehiyo. May iba’t-ibang pwedeng ipresenta tuwing Buwan ng Wika katulad ng paglikha ng jingle, pagkanta, sabayang pagbigkas, pagtatalumpati, pagsayaw at paggawa ng slogan o poster. Ano man ang itanghal ng mga mag-aaral ang mahalaga ay naalala nila ang Buwan ng Wika kada taon.

Ayon sa Komisyon ng Wikang Filipino o KWF, ang tema natin para sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika ay “FILIPINO: WIKANG MAPAGBAGO”
Nagbabago,  naaakma ito sa nangyayari sa ating bansa sa kasalukuyan katulad ng ating administrasyon. Kapag nagbabago ang manunungkulan nagbabago rin ang kanilang plataporma na pinapatupad para sa ikakaunlad ng ating bansa,  mga pagbabago na rin ng mga gadgets at pananamit para sumunod sa uso, at ang mga pagbabago sa ating mga salita katulad na lang ng pagkakaroon na tinatawag nilang bekemon at jejemon.

Ayon sa University of the Philippines, sa bagong edisyon ng diksyunaryong Filipino ay naisama sa salitang pinoy ang salita ng mga gay o bading katulad na lang ng “tyugi”, “imbyerna” at “tsika”. At ngayon naman nauuso na ang mga salitang nabaliktad katulad ng “lodi” na ibig sabihin ay idol, “petmalu” na ibig sabihin ay malupet at ang “werpa” na ibig sabihin ay pawer. Sa ibang tao may mabuting dulot nito dahil mas madali silang nagkakaunawaan at naipapahayag nila ang guto nilang sabihin sa isang tao pero sa iba naman ay may hindi mabuting dulot nito.
Sa katanungan na paano n’yo maipapakita ang pagmamahal sa ating bansa, palagi kong naririnig sa mga kabataan na ang sagot nila ay tangkilin ang sariling atin at ipagmalaki ito kahit saan man tayo magpunta. Ang dali nilang sagutin ang tanong pero hindi naman nila nagagawa. Sa simpleng pagtangkilik sa ating sariling wika ay hindi nila magawa, ang iba ay mas inaaral pa nila ang salitang Ingles kaysa sa ating salitang tagalog at ang iba naman ay alam ang ating wika pero hindi nagagamit sa tama. Buti pa ang mga ibang banyaga ay gustong pag-aralan ang ating sariling wika samantalang tayo na nagmamay-ari ay hindi natin magamit sa tama.

Ang wika ay parating nagbabago katulad ng mga nangyayari sa ating kapaligiran at sa ating sarili. Ang pagbabagong ito ay maaaring may mabuting dulot at masamang naidudulot sa ating buhay pero nasa atin na kung paano natin ito gamitin.

Bago ko tatapusin ang aking talumpati, iiwan ko sa inyo ang bantog na kasabihan ni Dr. Jose P. Rizal “Ang taong
hindi marunong magmahal sa sariling wika ay masahol pa ang amoy sa malansang isda”. Sa kapwa ko Pilipino ipagmalaki, pagyamanin, at gamitin natin  ang ating sariling wika sa magandang paraan at huwag natin ito abusuhin. Huwag  natin kakalimutan ang ating Pambansang wika kahit saan man tayo magpunta dahil ito ang sumisimbolo ng ating pagkaPilipino.







   

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito